Ang Kwentista sa Tabi ng Riles











{November 20, 2007}   Noong Bata Pa Ako

Noong Bata Pa ako
(gawa ko nung nagkaisip na ang lola nio)

Lahat tayo ay may kanya-kanyang alaala noong bata pa tayo.. Kung babalikan natin ang alaalang yon, napapangiti tayo.. Katulad ko habang papasok ako sa office kaninang umaga, sa harapan ko sa loob ng jeep, napansin ko ang bata na halos mga edad anim na taong gulang, Naalala ko tuloy ang mga kainosentehan ko noong bata ako, at yon ang nais kong ibahagi sa inyo ngayong araw na to…

Noong bata pa ako, naaalala ko ang eksena noong nasa jeep kami ng mama ko na hinding hindi ko malilimutan kapag sumasakay ako ng jeep hanggang ngayon…

“Bayad! Dalawa!… Binayad ko na yung bata“ ang sabi ng mama ko..

”Ah binayad nio na  ba? Sige, urong nalang ng konti dito, para makaupo ang iba”ang sabi ng driver

Habang ako, ay nagtataka kung bakit sinabi ng mama ko na binayad nia daw ako, at lalong nadagdagan ang aking pag-aalala ng sinabi ng mama ko na…

”Anak, wala na kasi tayong pera, kaya ibinenta na kita sa driver, ibinayad na kita! Iiwan kita sa kanya ah, ako lang ang bababa at ikaw dito ka lang..magpapakabait ka ah..” ang sabi ng mama ko

Halos ayaw kong bumitiw sa pagkakahawak sa kanya, dahil sa pag-aalalang iiwan nga niya ako at nang nagpara si mama todo kapit ako sa kamay niya, dahil ayaw kong magpaiwan sa driver at sobrang takot na takot akong mapahiwalay sa aking mama..

Noong bata pa ako napapanood ko na ang Darna noon, pero luma na rin ata yon, basta naaalala ko na napanood ko ang babaeng ahas, yung maraming ahas sa ulo, sa sobrang nadala ako sa istorya, napatingin ako sa aking buhok, hinawakan ko sya at tinitigan ng husto kung gagalaw ang aking buhok na parang ahas, at dahil syempre sa hangin, gumalaw tuloy ang aking buhok..Halos naglumpasay ako sa kakaiyak sa takot na magkakaroon din ako ng ahas sa ulo, at ang lahat ng miyembro ng pamilya namin ay nagulantang sa aking pag-iyak kaya’t dali dali nila akong nilapitan..at biglang tumawa ng malaman nila ang aking rason kung bakit ako umiyak…

Noong bata pa ako nakalunok ako ng buto ng santol, at umiyak ako ng umiyak at sinabi ko yon sa mama ko, at ang sagot niya sa akin ang syang nagpakaba ng husto at yon ang hindi ko malilimutan kaya’t napapangiti ako sa tuwing maalala ko ang eksenang yon…

”Hala, bakit mo nilunok ang buto ng santol! Naku, lagot ka, tutubo yan sa tiyan mo, lalabas sa tenga mo at bibig mo ang mga sanga sanga ng punong santol na yan kapag tumagal sa tiyan mo..” Ang sagot ng mama ko…

Yon ang nagpakaba lalo sa akin, ang mga sagot ng mama ko, kaya’t takot na takot akong makalunok ng kahit anong buto ng prutas, at natatakot akong uminom ng tubig noon, dahil sa pag-aakalang madidiligan ko ang buto na nasa loob ng tiyan ko…

Noong bata pa ako para sa akin.. eto na ang pinakamalaking problemang nadanasan ko noong bata pa ako..Sa tuwing natatatanggal ang kamay ng Barbie doll ko, pakiramdam ko sinakluban na ako ng langit at lupa..

Naalala ko pa noong bata pa ako lagi na lang nila sinasabi na hindi pa pwede sa akin ito, hindi pa pwedeng malaman ng bata ang mga bagay na ito, hindi ito pambata saka na lang pagmalaki ka na! yon ang kadalasang dahilan ng matatanda, kaya nasabi ko masarap siguro kapag nasa tamang edad ka na..Ano kaya pakiramdam kapag ang lahat ay pwede at wala ng bawal at higit sa lahat wala ng nagdidikta sayo dahil alam mo na ang tama at mali? Yon ang kadalasang tanong ko sa sarili ko noong bata pa ako..

Ngayong hindi na ako bata sa pagsakay ng jeep, hindi ibig sabihin non kapag sinabing binayad ka ng kasama mo’y iiwan mo na sya o binenta mo na sya, at alam ko na rin na hindi pwede mangyari sa totoong buhay ang magkaroon ng buhok na animo’y isang ahas, at imposibleng tumubo ang puno ng santol sa tiyan mo..Pero kahit na alam ko na ang mga bagay na ito, at hindi na ako inosente sa mga bagay na napakasimple lang naman pala intindihin, Kahit na di ka na nagmumukhang tanga sa mga bagay bagay na ito mas higit ko pa rin naunawaan na mas masarap ang buhay Noong Bata Pa Ako..



et cetera